
FACTS MACHINE
Masons, penal colony, Mendiola

By PDI Research
Inquirer Libre

NOONG Enero 19, 1812, pinagbawal ni Haring Ferdinand VIII ng
Espanya ang Masonry sa bansa. Ang Masonic fraternity ay isa
sa pinakamatanda at pinakamalaking fraternal organization sa
mundo. Hindi nagbago ang organisasyon mula pa ng naitatag ito
noong 1717. Tinatayang may 6 milyong Masons sa buong mundo.
Kilala ang mga Masons sa paggamit ng mga sikretong simbolo sa
kanilang pangangaral.
Ang mga Masons ay nagpupulong sa isang lugar na tinatawag
nilang lodge. Ang lodge ay indibidwal at lokal na unit ng
Freemasonry. Natatag ang Grand Lodge of the Philippine Islands
noong 1912. Subalit naipakilala na ang masonry sa bansa noon
pa mang 1856.
Noong panahon ng Kastila, dahil sa pagkasuya sa pamamalakad
ng mga prayle sa Pilipinas, sumapi sa mga Masonric lodges
ang mga propagandistang Filipino na nasa Espanya. Binuo ni
Graciano Lopez Jaena ang lodge Revolucion sa Barcelona noong
1889 upang mapagsama ang mga Filipino. Ang lodges sa Espanya
ang naging sentro ng lahat ng aktibidades ng mga propagandista.
Si Andres Bonifacio ay isa ring Mason at naging gabay niya
ang Masonry sa pagtatatag ng Katipunan. Ilang pang miyembro
ay sina Dr. Jose Rizal, Marcelino H. del Pilar, Apolinario
Mabini, Emilio Aguinaldo, Jose Abad Santos, Pangulong Manuel
L. Quezon at si Quintin Paredes.
Pinagbabawal ng Simbahang Katoliko na magbigay ng komunyon,
tanggapin sa ano mang organisasyong Katoliko, magbigay ng
last rites at magninong sa kasal at binyag ang sinomang miyembro
ng masonry. Ayon sa Simbahan may mga pilosopiya ang masonry
na hindi tugma sa turo ng Simbahan.
Ray Leyesa, Sources: Grand Lodge of Free and Accepted
Masons of the Philippines; PDI archives; History of the Filipino
People ni Teodoro Agoncillo
Buhay bilanggo
Itinatag noong Enero 21, 1932 ang Davao Penal Colony sa bansa.
Ito ang kauna-unahang penal colony sa bansa. Ang pangalan
nito ngayon ay Davao Prison and Penal Farm (DPFF) na napapaloob
sa isang 5,212 ektaryang pasilidad sa Sto. Tomas, Davao del
Norte at pinapatakbo ng Bureau of Corrections na nasa ilalim
ng Department of Justice.
May 2,863 na bilanggo ang nakakulong ngayon sa DPPF na binabantayan
ng may 187 na jail guards. Kilala ang DPPF dahil sa maayos
na pamamahala nito sa mga bilanggo. Binibigyang halaga ng
pamunuan, ayon na rin sa direktiba ng Bureau of Corrections,
ang rehabilitasyon ng mga bilanggo upang maging responsableng
mamayan sila sa kanilang paglaya. Tinuturuan rin sila ng pagbasa,
carpentry, wood carving, barbering, basic appliance repair,
plumbing, shoemaking at iba pang kakayanan na maari nilang
magamit kapag sila ay nakalaya.
May partnership rin ng DPPF sa Tagum Agricultural Development
Co. (Tadeco) na nagsimula pa noong 1960s. Sa kasalukuyan,
may 800 bilanggo ang nagtatrabaho sa Tadeco Banana Plantation
na pagaari ng pamilya ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo
Jr. Ang mga bilanggo ay binabayaran sa kada-araw na trabaho.
Ang isa pang proyekto ng DPPF ay ang paggagawa ng muebles
mula sa tuod ng mga pinutol na puno.
Ang lahat ng kinikita ng mga bilanggo sa kanilang tabaho
ay pumupunta sa Inmate Fund. Lahat ng bilanggo ay may kanya-kanyang
parte na makukuha mula sa Inmate Fund kapag sila nakalaya.
Ray Leyesa, Sources: Bureau of Corrections, PDI archives
Mendiola massacre
Libo-libong magbubukid na humihingi ng "genuine agrarian
reform" ay nag-marcha tungo sa Malacañang Palace
kung saan nakahanda na ang mga pulis at Marines.
Nagkaroon ng batuhan ng pillbox, bato at bote. Ginamitan
din ng mga kahoy at bakal na pamukpok ang mga pulis. Nang
makalusot sa first line of defense, ay may pumutok na sinundan
na ng malaking kaguluhan at tuloy-tuloy na pamamaril.
Nang humupa ang gulo, labing-tatlong rallyista ang patay
at mahigit limampu ang sugatan.
Ang araw na ito, Enero 22, 1987, ay binansagang "Mendiola
massacre" bilang pagkilala sa mga nasawi sa maiksing
tulay tungo sa Palasyo.
Nangyari ang "massacre" matapos ang walong araw
at pitong gabing pangangalagi ng mga magbubukid na miyembro
rin ng militanteng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas sa Ministry
(ngayon ay Department) of Agrarian Reform upang iparating
ang kanilang mga kahilingan. Ngunit dahil hindi agad maibigay
ang mga hiling at sa halip na makipag-dayalogo muli ang lider
ng mga magasasakang si Jaime Tadeo sa gobyerno ay nagdesisyon
silang sugurin ang palasyo.
Ang mga namatay ay sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa
Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Compomanes,
Ronilo Dumanico, Dante Evangelino, Angelito Gutierrez, Rodrigo
Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez at Roberto Yumul.
Ang mga survivors at kaanak ng mga namatay ay nagsampa ng
100 million pesos damage suit noong Agosto 1998 laban kina
Alfredo Lim, na noon ay hepe Western Police District, at dating
presidente Corazon Aquino at Fidel Ramos. Subalit ito ay ibinasura
ng korte dahil lumampas na ang apat na taong "prescriptive
period."
Walang opisyal ng gobyerno, pulis o militar ang naparusahan
sa nangyari kaya matapos ang labing-anim na taon ay humihingi
pa rin ng katarungan ang mga biktima.
Maricar D. Tolosa Sources: Supreme Court decision, PDI
articles, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas website
(Facts Machine is a regular feature of Inquirer Libre.
This Filipino section takes a look at what happened on different
days in Philippine history.)
|