BAKIT ba ang kuting,
kapag may nagustuhan,
laging doon na lang nakatingin?
Napansin ko iyon kay Kuming
mula nang itayo namin
ang aming krismas tri--
Ning-ning! Ning-ning!
Para bang kumakanta ang mga ilaw
nitong nagniningning.
Lalo na noong isinabit namin
ang mga bolang balat-salamin.
Klak-ching!
Naku! Buti na lang hindi sila babasagin.
Si Kuming talaga, pagkalikot-likot na kuting.
Klak-ching! Klak-ching! Klak-ching!
Gabi-gabi na lang, nagigising kami
sa kapilyuhan ni Kuming.
Lagi na lang kasi niyang tinatapik
ang mga bolang mukhang salamin.
Nag-aalala tuloy kami na baka
pati buong krismas tri itumba niya rin!
Kaya, minsan, sabi ni Papa,
"Tuturuan natin ng leksyon si Kuming.
Ang mga bolang mukhang salamin,
lalagyan natin ng pandikit na madiin!"
Tapos, tinanggal ni Papa
ang mga ilaw na nagniningning.
Noong gabi ring iyon, nakarinig kami
ng walang katapusang kalansing.
Klak-ching! Klak-ching! Klak-ching! KRAAASS!!
Ay! Ayun si Kuming sa ilalim ng
krismas tring naitumba niya rin.
Nauntog pa 'ata ang ulo niya
sa isang bolang balat-salamin.
Tinalon na naman kasi niya ang mga ito
Pero di sila natanggal tulad ng kanyang gusto.
Ginulo niya ang bawat bola, pati na mga katabi nito
Hanggang sa ginulo na niya lahat
ng dekorasyon sa puno.
Kaya, ayun, nalaglag ang krismas tri
na nakakabit pa siya rito.
Mula noon, mukha namang si Kuming
ay natutong magaling.
Di na niya ginagalaw ang mga bolang balat-salamin.
Pinapanood na lang niya
ang mga ilaw sa krismas tring nagniningning.
Pero, teka, di ko 'ata gusto ang tingin niya
Sa keso de bolang kalalagay ko lang sa mesa.
Si Christine ay staff writer ng JI. Siya ay may alagang pusa na ang pangalan ay Flipper.
Si Pepper ay miyembro ng Ang Ilustrador ng Kabataan.