|
Hindi ko pa siya nakitang sumimangot. Kahit mag-isa lang siya sa may bintana, hindi siya nalulungkot. Binabati niya ang bawat kapitbahay namin na daraan, at kung masayang masaya siya, kumakanta pa siya. Pala-kuwento si Lolo Pepito. Mahilig siyang magkuwento tungkol sa dati niyang trabaho. Tungkol kina Inay at Itay. Tungkol kay Lola Benita (sumalangit nawa). Tungkol sa mga sikreto niya kung bakit hindi siya nagkakasakit. Tuwing magkukuwento si Lolo Pepito, lagi akong umuupo sa kandungan ni Inay. Pinakikinggan ko siyang mabuti. Mmadali namang makita sa mukha ni Lolo na masayang-masaya din siya kung siya'y nagkukuwento.
Nagtanong ako kina Inay at Itay kung bakit laging dala ni Lolo Pepito ang kahoy na ito. Eh, hindi naman daw pamalo iyon. Baston daw iyon. ''Eh, bakit nga po laging niyang dala iyon?' tanong ko kay Inay. Sabi niya, itanong ko raw sa Lolo Pepito. Siyempre hindi ko kaagad natanong. Takot nga ako sa baston niyang dala. Kahit nga nakangiti siya, basta dala niya iyon, takot ako. MINSAN, nagkalakas-loob na rin akong lapitan siya. Nasa labas siya ng bahay, bitbit ang kulay-tsokolateng baston. Nginitian niya ako. Sabi ko, "Lolo? Bakit po laging ninyong dala iyan?" ''Ito?" Ika niya, habang nakatingin sa mahaba kahoy. "Nakakalakad ako ng mahusay dahil sa baston kong ito." Dahan-dahang umupo si Lolo sa isang upuan. "Napilayan kasi ako noon, kaya ngayon, nandito itong baston para tulungan akong maglakad.'' ''Talaga Lolo? Napilayan kayo noon?'' ''Oo. At alam mo ba espesyal rin ang baston na ito dahil may naaalala akong tao tuwing pinagmamasdan ko ito?'' ''Sino Lolo?'' ''Ikaw!'' Nagulat ako. ''Ako?'' ''Oo.'' "Bakit po?" ''Noong bata ka pa, lagi mo itong pinaglalaruan. Gumagapang ka pa lang sa sahig ito na ang gusto mong hawak-hawak lagi,'' ang tawa ni Lolo. "Naaalala ko nga na napakaliit pa ng mga daliri mo noon," sabi niya, sabay hawak sa aking mga kamay. Kiniliti niya ako sa kamay at tumawa ako. ''Kaya nga noon, hindi ako makaalis sa kinauupuan ko dahil tuwang tuwa ka sa baston ko. Hindi mo mabitaw-bitawan ang kapit mo sa kahoy na ito. Kapag may kumuha ng baston sa kamay mo, umiiyak ka pa,'' ang sabi niya. Tumawa ng malakas si Lolo Pepito. ''Hindi mo na siguro maalala iyon dahil wala ka pang muwang noon. Pero tuwang tuwa ako sa iyo noon! Hanggang sa ngayon!'' Niyakap ako ni Lolo Pepito. Tapos inabot niya sa akin ang kulay tsokolateng baston. Napakakinis pala ng kahoy nito. Hindi naman pala madumi. At hindi naman pala talaga nakakatakot. Mula noon, mas napamahal ako kay Lolo Pepito. Mas marami nga siyang naikuwento sa akin. Mula noon, hindi na ako natatakot sa kanyang mabigat at kulay-tsokolateng baston. Hindi ko na iniisip iyon bilang pamalo. Nakakatawa nga. Ba't ko nga ba naisip iyon? ----------
Si Lora
ay isang Psychology student sa Ateneo de Manila University.
Siya ay lumaki sa Baguio City.
|
January 30, 1999
"Be Curious
Si Lolo Pepito at
|