Ang Kuwento ni Bantay
Kuwento ni Antoinette H. Jadaone
Guhit ni Pepper Roxas
Si Bantay ay isang bibong aso
Paborito niyang magpagulong-gulong sa damo
Kaya naman ang kanyang
puting balahibo
Ay laging nadudumihan at nagkukulay abo.
Si Bantay ay nakatira kay Aling Inday,
Isang tindera ng prutas at gulay
Tuwing umaalis siya ng bahay
Si Bantay ay naiiwan at lumbay na lumbay.
Ngunit si bibong Bantay
ay may kahinaan
Dahil ang pagtahol
ay hindi niya alam
Kaya naman sila
ay laging ninanakawan
At ang mga pusa'y nagkalat
sa hapag-kainan.
Naku! Nariyan na si Aling Inday!
Kaya naman biglang
natakot si Bantay
"Saan kaya ako
magtatago?" tanong niya
"Aha! Sa ilalim na lang ng mesa!"
Pagbukas ni Aling Inday
ng pintuan
Agad siyang sumigaw
at nagulantang
"Nasaan na ang bagong
TV set ko?
Pati na ang mga
mamahaling baso't plato?"
Pagdating niya sa kusina
Hindi siya makapaniwala
"Nasaan na ang niluto kong tuyo?
Bakit natira na lamang
ay ang tinik nito?"
Agad niyang kinuha
ang kanyang bakya
At biglang hinanap
ang asong alaga
"Huwag kang magpapakita
sa akin, Bantay!
Kundi ang iyong katawa'y mapupuno ng latay!"
Natakot si Bantay sa sinabi
ng amo
Kaya't siya'y nakaisip
ng isang plano
"Lalayas na lang ako
sa tahanang ito
Tutal, wala naman akong
silbi sa mundo!"
Nagtampo si Bantay at umalis na
Doon siya naupo sa may kalsada
Pinapanood
ang mga sasakyan
Habang kumakalam na
ang kanyang tiyan.
Isang malungkot na payaso ang napadaan
At si Bantay ay masusing pinagmasdan
"Kawawang aso, mukhang gutom ka na,
Mabuti pa ay maiuwi na kita!"
Binigyan niya si Bantay ng
malaking buto
May gatas pang inihain ang mabait na payaso
Sa sobrang pasasalamat
ni Bantay
Nagpagulong-gulong siya sa loob ng bahay!
"Kay galing na aso!"
ang sabi ng payaso
"Isasali kita sa mga palabas ko!
Siguradong matutuwa
ang mga tao
Dahil sa pambihira
mong talento!"
Labis na lamang ang
kanyang pagkatuwa
Sa wakas, may makakatulong
na sa kanya
Wala kasing nanonood
ng kanyang mga palabas
Pagkat ang kanyang "magic show" ang laging palpak.
Nang si Bantay ay tumayo
sa entablado
Biglang nagsidagsaan
ang mga tao
Nagulat sila sa talento ng aso
Pati sa mga pagpapatawa
ng payaso.
Si Bantay ay niyakap
ng payasong naluluha
Dahil sa pagtangkilik
ng mga tao sa kanila
Si Bantay ay napangiti sa saya
Dahil sa mundo
ay may silbi pa rin siya.
------------
Si Antoinette, 15, ay nag-aaral sa St. Paul
Pasig.
Si Pepper ay miyembro ng Ang Ilustrador ng
Kabataan.
|