Widening Horizon

Bandera: Unli chikahan, tawanan at sorpresang pasabog

By: Ervin Santiago
Graphics: Jerome Cristobal

BALITA. Buenas. Chika. Yan ang tatlong masasarap at pampabusog na putaheng inihahain araw-araw ng Bandera tabloid sa loob ng halos tatlong dekada sa mga mambabasa.

Nag-celebrate ng ika-29 anibersaryo ang Bandera tabloid noong 2019 — at ito na rin ang naging huling pagdiriwang ng publikasyon bilang isang diyaryo.

Maraming nagsarang kumpanya at negosyo noong kasagsagan ng pandemya at isa nga ang Bandera sa mga hindi hindi pinalad na makapagpatuloy ng operasyon habang naka-lockdown ang buong bansa.

Ngunit hindi lang sa print nabubuhay ang publikasyon nu'ng panahon yun, napakalaking bahagi ng operasyon ng Bandera ang website version nito pati na ang iba't ibang social media platforms.

Kaya naman nang magpaalam ang print edition ng Bandera noong July, 2020, nagdesisyon ang management ng Inquirer.net na ipagpatuloy ang online at digital version nito at gawing isa sa kanilang Tagalog entertainment/showbiz channel.

Ngayong 25th anniversary ng pinagkakatiwalaang Inquirer.net, mag-throwback muna tayo ng slight sa naging pagsisimula ng Bandera bilang isa sa mga channel ng nangungunang news website sa bansa.

Bukod sa inyong lingkod, bilang entertainment writer-editor, may dalawa pang content contributor (sina Reggee Bonoan at Alex Brosas) ang nagpatuloy sa operasyon ng Bandera online.

Kami ang nagtulung-tulong para araw-araw pa ring makapagbigay ng latest at pasabog na mga chika tungkol sa trending, viral at favorite n'yong mga artista.

Hindi naging madali para sa 3-man team ang pagsisimula muli ng Bandera sa bago nitong tahanan, talagang dumaan din sa matinding challenge ang grupo para masigurong busog at palaging updated sa showbiz happenings ang ating mga loyal readers and supporters all over the universe.

Ngunit sa tulong ng mga bossing natin sa Inquirer.net at ng iba pa nitong channels, na all-out ang pagbibigay ng suporta, naging madali rin ang pagharap sa mga pagbabago at adjustments ng buong team sa pagtutok sa online at digital world.

Fast forward: pagkalipas ng mahigit dalawang taon, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay at paghahatid ng Bandera ng mga pasabog at paandar na showbiz chika sa online world at sa napaka-powerful na mundo ng social media.

Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga loyal readers ng Bandera na hindi nang-iwan mula noon hanggang ngayon, sa hirap at sa ginhawa, lalo na noong dumating na ang pandemya.

At knows n'yo ba, mula nang maging bahagi ng Inquirer.net ang inyong pinakamamahal na Bandera, mabilis na nadagdagan at tumaas ang ating followers at subscribers sa iba't ibang platforms kabilang na nga riyan ang YouTube channel natin?

Yes, yes, yes mga ka-Marites! Nang dahil sa inyong walang-sawang pagmamahal at pagsuporta mga ka-Bandera, mas lumawak pa ang reach ng ating website at socmed accounts.

Isa lamang ito sa patunay na talagang napakahalaga pa rin sa buhay nating mga Filipino ang showbiz chika, mga pampa-good vibes na istorya at nakakalokang iskandalo at kontrobersya.

Sabi nga nila, para sa karamihan ng mga Pinoy, hindi kumpleto ang araw nila kung hindi sila nakakabasa ng chika at tsismis about their favorite artista, pati na rin sa mga hate na hate nilang celebrities.

In fairness, level up na rin ang Bandera dahil may mga pa-talk show na rin tayo ngayon — ang Showbiz Plus at ang segment na Bandera Chika sa Inq Today ng Inquirer.net everyday.

At bukod pa riyan, nadagdagan na rin ang ating family — meron na tayo ngayong social media specialist (Chris Gamoso) plus dalawang assistant writer-editor (Anne Therese Arceo and Pauline del Rosario).

Maraming-marami pang inihahandang sorpresa at pasabog ang aming team para sa lahat ng mga ka-Bandera natin all over the world...the universe rather. Kaya chill-chill lang kayo diyan guys and just enjoy life.

To more years of unli chikahan, tsismisan, tawanan, at trending paandar mga ka-Bandera! Kampay guys!

Read more:
Supported by: